Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Sabado, Mayo 11, na ang shear line at easterlies ang kasalukuyang nakaaapekto sa bansa.
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Isabela and Aurora bunsod ng shear line o ang “boundery line” kung saan nagsasalubong ang malamig at mainit na hangin.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Ayon kay PAGASA Weather Specialist Aldczar Aurelio, inaasahan namang hindi na makaaapekto ang shear line mamayag gabi o bukas, Mayo 12.
Samantala, magiging mainit pa rin daw ang panahon sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dulot ng epekto ng easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, at ng localized thunderstorms. Sa kabila nito ay may posibilidad pa rin ng mga pulo-pulong pag-ulan at thunderstorms sa naturang mga lugar pagsapit ng hapon o gabi dahil na rin sa epekto ng localized thunderstorms.
Sa kasalukuyan ay walang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).