Matapos siyang sabihan na isang “professional liar,” tinawag ni dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent Jonathan Morales si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na “napapraning,” at iginiit na “mukhang ito na ang epekto ng ipinagbabawal na gamot sa kaniya.”

Sa panayam ng SMNI nitong Biyernes, Mayo 10, binigyang-diin ni Morales na hindi niya inaakusahan si Marcos. Nadawit umano ang pangulo sa iligal na droga dahil daw sa resulta ng imbestigasyong isinagawa ni Morales.

“Nakakaawa ang ating pangulo, dahil wala akong natatandaan na inakusahan ko siya. ‘Yung pagkakadawit ng kaniyang pangalan ay resulta ng imbestigasyon na isinagawa ko at ito ni-reveal no’ng confidential informant,” ani Morales.

“Naghihinala siya, ‘no? Ito ‘yung tinatawag na napapraning. Nakakaawa siya dahil mukhang ito na ang epekto ng ipinagbabawal na gamot sa kaniya. Kaya kapag ganito ‘yung kilos at pananalita ng ating pangulo ay marapat lamang talaga na sundin niya ‘yung panawagan ng taumbayan, ‘yung magpa-hair follicle drug testing siya,” dagdag pa niya.

National

PBBM, tinawag na ‘professional liar’ si ex-PDEA agent Morales

Sinabi rin ni Morales na sumulat na raw siya sa pangulo para himukin itong magpa-drug test.

Samantala, muling iginiit ni Morales na hindi raw niya inaakusahan si Marcos, bagkus ay naging bahagi lamang daw siya ng pagkuha ng sworn statement ng confidential informant.

“Naging parte lang ako ng pagkuha ng sworn statement ng confidential informant. ‘Yung confidential informant ang may personal knowledge, ‘yun ang nakakita sa kaniya, hindi ako. Kaya walang dahilan para sabihan ako na nagsisinungaling,” giit ni Morales.

“Ngayon, ang burden of proof, nasa kaniya. Magpa-drug test siya para patunayan niya sa taumbayan na hindi siya nasa impluwensiya ng ipinagbabawal na gamot,” dagdag pa niya.

Matatandaang nito lamang Biyernes ay nauna nang sabihan ni Marcos si Morales na isang “professional liar” at parang “jukebox” daw ito na kakantahin ang mga gustong ipakanta sa kaniya para sa pera.

Matatandaang nagbigay ng testimonya kamakailan si Morales hinggil sa umano’y “authenticity” ng nag-leak na dokumento noong 2012, kung saan kasama raw sina Marcos, na noo’y senador ng bansa, at aktres na si Maricel Soriano sa mga dawit sa iligal na droga.

https://balita.net.ph/2024/05/06/pbbm-tinawanan-alegasyong-sangkot-sila-ni-maricel-soriano-sa-iligal-na-droga/

Kaugnay nito, sa isinagawang pagdinig ng Senado noong Martes, Mayo 7, ay sinabi naman ni Soriano na wala raw siyang alam tungkol sa kumakalat na naturang dokumento ng PDEA, ngunit inamin niyang sa kaniya ang kontrobersyal na condominium unit sa Makati City.

https://balita.net.ph/2024/05/07/maricel-soriano-wala-raw-alam-sa-pdea-document-umaming-sa-kaniya-ang-condo-unit/