Isang mahabang litanya ang binitawan ni showbiz columnist Cristy Fermin matapos siyang sampahan ng kasong cyber libel ni Kapuso star Bea Alonzo.

MAKI-BALITA: Bea Alonzo, naghain ng cyber libel cases laban kina Cristy Fermin, Ogie Diaz

Sa latest episode ng “Cristy Ferminute” nitong Biyernes, Mayo 3, binanggit ni Cristy ang mga ginawa niya umanong pagtatanggol kay Bea Alonzo sa loob ng mahabang panahon.

“Saksi po kayo, mga kapatid, sa marami at mahabang panahon na ako po ang unang-unang armas [...] ng pagtatanggol kay Bea Alonzo. Alam n’yo po ang kaniyang pinagdaanang isyu,” pahayag ni Cristy.

Relasyon at Hiwalayan

Barbie Forteza, handa nang magpakasal?

“Ako po ang nagbigay ng proteksiyon sa kaniya. Ako po ang nagtanggol. Kinalaban ko po ang lahat para lamang mabigyan ko siya ng magandang pagtalakay at opinyon,” aniya.

Kaya naman ang tanong niya: “Sa dami-dami po ba ng magaganda nating nagagawa sa buhay na ito—na tayo ay namumuhunan ng ating pangalan, ng ating kredibilidad, ng ating opinyon, at maaaring sabihing nakakaganda sa isang personalidad—iyon pong lahat ng ‘yon kapag po ba siya’y nakarinig ng isang bagay na hindi niya gusto at masama sa kaniyang panlasa, lahat po ba ng ginawang maganda tungkol sa kaniya ng taong nagtanggol sa kaniya ng pinakamahabang panahon ay ibabasura na lamang?”

Samantala, sa unang bahagi ng programa ay inihayag naman ni Cristy ang pagsalungat niya sa paratang ng kampo ni Bea na pinagkakakitaan umano niya ang aktres.

MAKI-BALITA: Cristy Fermin, itinangging pinagkakakitaan si Bea Alonzo