Isang magnitude 4.8 na lindol ang yumanig sa probinsya ng Negros Oriental nitong Biyernes ng tanghali, Mayo 3, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Sa ulat ng Phivolcs, nangyari ang lindol na tectonic ang pinagmulan dakong 12:38 ng tanghali.

Namataan ang epicenter nito 58 kilometro ang layo sa timog-kanluran ng Basay, Negros Oriental, na may lalim na 10 kilometro.

Wala namang inaasahan ang Phivolcs na posibleng aftershocks ng lindol.

Hindi rin daw inaasahang magdudulot ng pinsala ang nasabing pagyanig.