Posibleng makaranas ng mga pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa ngayong Martes, Abril 23, bunsod ng easterlies, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdadala ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa SOCCSKSARGEN, Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, Davao Oriental, Davao Occidental, Samar, Northern Samar, Eastern Samar, Catanduanes, Albay, at Sorsogon.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Inaasahan namang makararanas ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms bunsod ng easterlies at ng localized thunderstorms.

Samantala, inihayag din ni PAGASA Weather Specialist Rhea Torres na inaasahan pa rin ang maalinsangang panahon ilang bahagi ng bansa, partikular na sa Luzon.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).