Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na walang overseas Filipino workers (OFWs) na nasaktan mula sa yumanig na dalawang magkasunod na malalakas na lindol sa Hualien County, eastern Taiwan nitong Martes ng madaling araw, Abril 23.
Sa isang pahayag, binanggit ng DMW na yumanig ang magnitude 6.0 na lindol sa Hualien dakong 2:26 ng madaling araw. Pagkatapos naman ng anim na minuto, dakong 2:32 ng madaling madaling araw, niyanig muli ang lugar ng magnitude 6.3 na lindol.
Dahil dito, isinailalim na umano ng DMW sa “alert status” ang Migrant Workers Offices (MWOs) nito sa Taiwan.
“Initial reports from Filipino communities and leaders in Hualien County says MWO-Taipei indicate no OFWs injured,” pag-uulat din ng DMW.
Samantala, nakikipagtulungan na umano ang MWOs sa Manila Economic and Cultural Office (MECO), na pinamumunuan ni Chairman Silvestre H. Bello III, para makipag-ugnayan sa iba pang Filipino communities, local authorities, employers at trade associations at masiguro ang kaligtasan ng mga OFW doon.
“The DMW will issue further bulletins during the day,” saad ng DMW.
Bago ang naturang mga pagyanig, matatandaang noong Abril 3, 2024 nang yanigin ang Hualien ng magnitude 7.4 na lindol, kung saan 13 umano ang nasawi at mahigit 1,000 ang nasugatan, kabilang na ang tatlong OFWs na naiulat na nagtamo ng minor injuries.