Kinumpirma ni Department of Migrant Workers (DMW) officer-in-charge (OIC) Hans Leo Cacdac nitong Huwebes na mayroong tatlong Pinoy ang bahagyang nasugatan sa magnitude 7.4 na lindol na tumama sa bansang Taiwan nitong Miyerkules ng umaga.
Hindi muna pinangalanan ni Cacdac ang mga naturang overseas Filipino workers (OFWs) ngunit sinabing isa sa mga ito ay nagtamo ng bahagyang sugat sa ulo dahil sa bumagsak na kisame.
Ang isa pa naman aniya ay nagtamo ng bahagyang sugat sa kamay habang lumilikas at isa naman ang nawalan ng malay-tao, sa kasagsagan ng lindol.
Tiniyak naman ni Cacdac na lahat ng mga naturang Pinoy ay nasa maayos nang kalagayan sa ngayon.
Dalawa sa kanila ang nakalabas na aniya ng pagamutan ngunit nasa ospital pa ang nawalan ng malay bilang precautionary medical measures lamang.
"All of them are okay, minor ang kanilang natamong injuries," ayon pa kay Cacdac, sa panayam sa radyo.
Samantala, siniguro rin naman ni Cacdac na ang mga nasugatang Pinoy ay tatanggap ng tulong pinansiyal mula sa pamahalaan.
Nakikipag-ugnayan na aniya ang DMW sa Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa Taiwan para sa distribusyon ng tulong.
Una nang sinabi ng DMW na nagbukas sila ng Help Desk sa Taiwan para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na nangangailangan ng tulong.
Ang naturang Help Desk ang siyang mangangasiwa sa mga information requests ng mga family members ng mga Taiwan-based OFWs na nagnanais na malaman ang estado o lagay ng kanilang mga kaanak na nagtatrabaho sa naturang bansa.
Sinabi naman ni Cacdac na mayroong mahigit sa 159,000 Pinoy ang naninirahan ngayon sa Taiwan kabilang ang 65% na factory workers na naninirahan sa mga dormitory at 35% na nagtatrabaho bilang caretakers.
Wala pa naman aniya sa mga ito ang humihingi ng tulong upang mai-repatriate o mapauwi ng Pilipinas matapos ang lindol.