Inurirat nina Cristy Fermin at Romel Chika sa "Cristy Ferminute" noong Abril 16 ang singer-actress na si Jayda Avanzado tungkol sa matagal nang isyung nagalit daw ang Kapamilya actress na si Francine Diaz nang magpa-picture siya kay Andrea Brillantes sa isang event noon.

Ito ay sa kasagsagan ng gusot sa pagitan nina Andrea at Francine dahil kay Seth Fedelin.

Naungkat ni Cristy si Jayda tungkol sa pagkakaibigan nila ni Francine. Ngunit sa isang event daw, halos murahin na raw ni Francine si Jayda nang makita itong nagpa-picture kay Blythe.

Tinanong ni Cristy si Jayda kung ano ang masasabi niya tungkol dito. Marami na raw kasing nagtatanong kung ano na raw ang nangyari sa friendship ng dalawa.

Tsika at Intriga

Heart 'naiyak' dahil sa bagong glam team, anyare?

Sagot ni Jayda, sa totoo lang daw ay matagal na silang hindi nag-uusap ni Francine, at ang huling beses daw na nag-usap sila ay nang batiin niya ito sa kaarawan nito in private.

Inamin din ng anak nina Dingdong Avanzado at Jessa Zaragoza na may hindi sila pagkakaunawaan noon ni Francine o disagreements.

Sabay sundot naman ng follow-up question ni Cristy, "Totoo ba na sa isang party eh nagkasama kayo ni Francine Diaz? At maraming-maraming artista na nandoon noong gabing iyon, nagkataon na nagkaroon ka ng picture with Blythe, si Andrea. Totoo ba na pagkatapos niyang makita na nakipag-pose ka kay Andrea Brillantes, kulang na lang na murahin ka niya?"

Hindi direktang pinabulaanan o kinumpirma ni Jayda ang tanong ni Cristy.

"Totoo naman po na nagkasama kami ni Blythe sa isang party, saka parang nagkataon lang din po talaga kasi co-host siya ng party na 'yon, and nag-picture naman po talaga kami, siyempre po kasi maliit lang naman po ang mundo ng showbiz. Pero ito na lang po 'Nay, siguro in respect to the event na nangyari po, sa ngayon po hindi ko na po i-elaborate lahat ng mga detalye, pero ito na lang po sasabihin ko, 'yong picture namin ni Blythe, I would really just say na importante po sa akin na nakikisama po ako sa lahat ng tao sa industriya..."

Sumang-ayon naman ang dalawang hosts sa mga tinuran ni Jayda.

Dagdag pa ni Jayda, labas daw siya sa kung anuman ang isyu nina Francine at Andrea sa isa't isa. Nilinaw na rin ni Jayda na kung anuman ang hindi nila pagkakaunawaan ni Francine ay na-settle o nakapag-usap na raw silang dalawa in private.

Bukod sa isyung ito, naging kontrobersyal din ang sagot ni Jayda nang untagin ni Cristy kung totoo bang nanligaw sa kaniya si Seth Fedelin, kasalukuyang katambal ni Francine.

"No comment" ang sagot dito ng singer-actress.

MAKI-BALITA: Sagot ni Jayda Avanzado tungkol kay Seth Fedelin, ikinabanas ng fans

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Francine tungkol sa isyu. Bukas ang Balita sa kaniyang panig.