Isiniwalat ni Kapuso actress Rochelle Pangilinan ang tungkol sa pagkawala ng “SexBomb,” ang grupong kinabibilangan niya dati.

Sa latest episode ng “Toni Talks” noong Linggo, Abril 7, inusisa ni Ultimate Multimedia Star Toni Gonzaga kung paano nagkahiwa-hiwalay silang magkakagrupo.

“Pa'no 'yong naghiwa-hiwalay na ang SexBomb?” usisa ni Toni kay Rochelle.

“Wala kaming closure hanggang ngayon. Bigla na lang kaming parang nawala…ang SexBomb,” saad ni Rochelle.

Teleserye

Buong produksiyon ng 'Batang Quiapo,' pina-drug test ni Coco

“May nangyari sa amin na… parang nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan ang mga boss natin sa Eat Bulaga at saka si Ate Joy [Cancio]. Nagte-taping kami ng Daisy Siete tapos binabalitaan ako kung ano na ang nangyayari sa usapan. Tapos umabot pa daw sa nagkababaan pa sila ng telepono,” aniya.

Dagdag pa niya: “No’ng hindi na kami pumasok sa ‘Eat Bulaga,’ nagpa-audition sila ng mga dancer. Nagpa-contest. Tapos this time, magaganda, bata. Siyempre ang sakit-sakit no'n sa amin.”

Gayunpaman, bagama’t masakit at malungkot para sa kaniya noong una, nasanay na rin daw siya at natanggap kung ano nangyari sa kanilang grupo.

Matatandaang si Rochelle ang tumayong leader ng naturang girl group na sumikat noong huling bahagi ng ‘90s. Kasama niya sa grupo sina Sunshine Garcia, Aifha Medina, Jopay Paguia-Zamora, CheChe Tolentino, at Mia Pangyarihan.

At noong Disyembre 2023 ay muling tumapak si Rochelle sa stage ng naturang noontime show matapos ang ilang taon.

MAKI-BALITA: Pag-guest ni Rochelle Pangilinan sa Eat Bulaga, umani ng reaksiyon