
(PNA)
44 pamilyang miyembro ng Ati tribe sa disputed area sa Boracay, inayudahan -- DSWD
Nasa 44 pamilyang miyembro ng tribong Ati sa Boracay Island na apektado ng sigalot sa lupain ang binigyan ng cash assistance, ayon sa pahayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Huwebes.
Ipinaliwanag ni DSWD Assistant Secretary for Disaster Response Management Group Irene Dumlao, ang mga nasabing pamilya ay tumanggap ng tig-₱10,000 ayuda sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.
“This financial assistance shows our commitment to support vulnerable communities like the Ati people during times of crisis,” ani Dumlao na isa ring tagapagsalita at data privacy officer ng ahensya.
“This aid comes in response to a letter from the Aklan government to the DSWD, urgently requesting assistance for the Ati community,” pahabol ng opisyal.
Matatandaang nitong Abril 1, lumiham si Aklan Provincial Governor Jose Enrique Miraflores kay DSWD Secretary Rex Gatchalian upang humingi ng tulong para sa mga miyembro ng Ati na pinalayas sa kanilang lugar sa isla matapos bawiin ng gobyerno nitong Marso ang Certificate of Land Ownership Award (CLOA) na ibinigay sa kanila ng nakaraang administrasyon.
Bukod sa mga naturang pamilya, nasa 11 pang pamilyang miyembro ng tribu ang binigyan din ng food assistance na nagkakahalaga ng ₱10,000.
Kamakailan, hiniling ni House deputy minority leader, ACT Teachers party-list Rep. France Castro sa Kamara na imbestigahan ang pagpapalayas sa mga nabanggit na pamilya sa naturang lugar.
Iginiit ng kongresista, kailangang mapagtuunan ng pansin ang usapin at matiyak ang proteksyon ng karapatan ng mga indigenous community.
Nagpahayag din ng pangamba ang mambabatas kaugnay ng pagsuporta umano ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa land developers na humiling na kanselahin ang CLOA ng mga miyembro ng Ati sa Boracay.