Umaabot na sa 84 ang naitalaang rabies deaths ng Department of Health (DOH) sa bansa nitong taong 2024 habang tumaas naman ng 100% ang mga naitalang kaso ng rabies sa Ilocos Region.

Ayon kay DOH Undersecretary Enrique Tayag, nasa 84 na ang kaso ng rabies na naitala nila sa bansa mula Enero 1 hanggang Marso 16, 2024 lamang at lahat ng pasyente ay pawang binawian ng buhay.

Kaugnay nito, sa panayam sa telebisyon nitong Miyerkules, pinayuhan pa ni Tayag ang mga pasyente na nakagat ng mga rabies animals na kaagad na hugasan ang bahagi ng katawan na nakagat nito, gamit ang tubig at sabon.

Dapat din aniyang kaagad na kumonsulta sa Animal Bite Center at doon magdedesisyon ang doktor kung kailangan nilang bakunahan.

Probinsya

Atimonan mayor, kinondena pamamaslang sa 10-anyos na batang babae

Dagdag pa ni Tayag, “Kumpletuhin niyo ang bakuna, ayon sa schedule na ibibigay.”

Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang DOH sa Department of Agriculture (DA) hinggil sa mga insidente ng mga baboy at baka na mayroon ding rabies.

Samantala, iniulat naman ng DOH-Ilocos Region na tumaas ng 100% ang rabies cases sa rehiyon.

Sa ulat ng DOH-Ilocos Region nitong Miyerkules, nabatid na mula Enero 1 hanggang Marso 9, 2024, nakapagtala sila ng anim na kaso ng rabies.  Ito ay 100% pagtaas sa rabies cases na naitala sa kaparehong panahon noong 2023, na nasa tatlong kaso lamang.

Kabilang dito ang tatlong suspected cases ng rabies na naitala sa Pangasinan, dalawa sa La Union at isa naman sa Ilocos Norte.

Tiniyak naman nitong regional office na pinaigting na nila ang kanilang rabies awareness program sa pamamagitan nang pagtataas ng public consciousness hinggil sa panganib na dulot ng virus sa tao.

“Ang problema sa rabies ay patuloy pa rin po na nagbibigay ng suliranin sa ating bansa. Kaya importante na magtulong-tulong po tayo kasama ang mga lokal na pamahalaan upang pagtibayin ang programang anti-rabies gaya ng pagbibigay ng tamang impormasyon sa mga pet owners, pagbabakuna sa ating mga alagang aso at pusa and to ensure that anti-rabies vaccines are accessible in all animal bite centers,” ayon kay Regional Director Paula Paz M. Sydiongco.

Paalala pa ni Sydiongco, ang rabies ay isang zoonotic at viral disease na nakakaapekto sa central nervous system at maaaring mauwi sa kamatayan. Gayunman, maaari aniya itong malunasan sa pamamagitan ng pagpapabakuna.

“Patuloy din po ang pagsasagawa ng regional office ng mga programa at mga aktibidad upang mapangalagaan ang mga alagang hayop at maitaguyod ang Responsible Pet Ownership kasabay ng pagpapaalala ng tamang pagbabakuna ng kanilang mga alagang aso at pusa upang mapangalagaan at mailayo sa rabies,” ani Sydiongco.

Paalala pa niya, kaagad na magpatingin sa doktor kung makagat ng hayop.

Nabatid na noong Marso, idinaos ng regional office ang Rabies Awareness Month Celebration na may temang ‘Rabies-Free na Pusa’t Aso, Kaligtasan ng Bawat Pamilyang Pilipino’ sa San Nicolas, Ilocos Norte noong Marso upang magbigay ng kaalaman sa panganib ng rabies.