Hot topic na pinag-usapan nina Cristy Fermin at Romel Chika sa March 22 episode ng "Cristy Ferminute" ang paglipat ng "It's Showtime" sa noontime slot ng GMA Network, kapalit ng "Tahanang Pinakamasaya" na dating slot naman ng "Eat Bulaga" na nasa TV5 na ngayon.

Isa-isang binasa ni Cristy ang mga padalang text message sa kaniya ng avid viewers na laban sa naging paglipat ng noontime show ng Kapamilya Network sa Kapuso Network. Anila, paano naman daw ang Kapuso stars na sana raw ay mabibigyan sana ng trabaho kung nag-self-produced na lang ang network ng panibagong noontime show?

Naungkat pa ang isyung noong may prangkisa pa ang ABS-CBN ay nagpapasaring at pabirong nilalait pa ni Vice Ganda ang Kapuso Network, lalo na noong kasagsagan ng paglipat ng ilang Kapuso stars sa ABS-CBN.

Sey pa raw ng bashers, hindi na raw kabayo si Vice Ganda kundi "pusa" na raw dahil para nitong kinain ang mga isinuka nito noong araw.

Tsika at Intriga

Jessy niresbakan bashers ng pagsabak ni Luis sa politika

Nagbigay naman ng komento si Cristy tungkol sa ugali raw ni Vice Ganda na tila masyado na raw nilamon ng kaniyang tagumpay at kasikatan.

"Hindi natin alam na mapagbiro ang kapalaran. Lahat po ay nagbabago. Sa kahit na anong estado ng pamumuhay natin, lahat po ay nagbabago kaya dapat ay nasa isip natin, na isang araw, paano kung mawala na ito? Paano kung biglang magsarado ang pintuan ng oportunidad sa atin? Saan tayo pupunta? Dapat may mga what if tayo," giit ni Cristy.

"Kaya maiintindihan mo eh kung bakit binabash nang todo si Vice Ganda ngayon."

Segunda naman ni Romel na dating nakakasama ni Vice Ganda sa comedy bar, "Sa pangarap niyang maging magaling, nakalimutan na niya maging mabuti. Alam mo 'yon, gusto niyang maging magaling na magaling na magaling kaya nakalimutan na ang pagiging mabuti, kasi gusto niyang bida lahat eh..."

Singit naman ni Cristy, naniniwala siyang "kakambal ng inunan" kay Vice Ganda o pagkasilang pa lamang sa kaniya ang kaniyang ugali.

"Kaya 'yong sasabihin natin 'Ang bastos-bastos ni Vice Ganda porke sikat na,' hindi po. Marami pong sikat na hindi po bastos. 'Ang yabang-yabang ni Vice Ganda porke may pera na,' hindi po. Marami pong nagmamay-ari ng bilyones na hindi mayabang at hindi bastos. Iyon ang aking paniniwala ha," aniya.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Vice Ganda tungkol sa isyung ito.