Nakasentro sa kapayapaan ang tema ngayon ng pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan para sa darating na Abril.

Sa Facebook post ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) nitong Biyernes, Marso 22, opisyal na nilang binubuksan ang naturang pagdiriwang.

“Ngayong taon, ipinagdiriwang ang Buwan ng Panitikan 2024 na may temang 'Ang Panitikan at Kapayapaan' na may layuning magbigay daan sa malayang pagtalakay kung ano ang mga kahalagahan at kontribusyon ng panitikan sa pagpapanatili at pagpapalaganap ng kapayapaan sa bansa at sa mga komunidad,” pahayag ng NCCA.

“Sa pamamagitan nito, lalong mapagyayaman ang diskurso sa konsepto ng kapayapaan at maipararating sa mamamayang Pilipino ang papel ng panitikan sa lipunan,” anila.

Dagdag pa ng ahensya: “Sa mga nakalipas na taon, ang Buwan ng Panitikan ay ipinagdiriwang na sa iba’t ibang rehiyon ng bansa, at lalong pinalawak pa sa pamamagitan ng mga opisyal na online platforms.”

Kaya naman, sa pamamagitan ng kanilang epektibong pakikipag-ugnayan sa mga institusyon, lalo pa umanong lumawig ang bilang ng mga nakikiisa sa naturang selebrasyon.

“Samahan kaming muli sa isang makabuluhang pagtuklas sa mundo ng panitikan para sa kapayapaan, at kapayapaan mula sa panitikan,” saad pa ng NCCA.

Katuwang ng NCCA sa pagdiriwang na ito ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at National Book Development Board – Philippines (NBDB) bilang pagtupad sa Proclamation No. 968 na pinirmahan noong 2015.