Isang mister ang nasawi habang sugatan naman ang kanyang maybahay nang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa isang ambush na naganap sa Antipolo City sa Rizal, nitong Miyerkules ng gabi.

Kaagad na binawian ng buhay ang biktimang si Abad Antonius Lazaro dahil sa mga tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan habang nasugatan naman sa hita at ginagamot na sa ospital ang kanyang misis na si Grace.

Metro

Mayor Lacuna: Payout sa 203K seniors, malapit nang matapos

Samantala, inaalam na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga salarin, na mabilis na nakatakas matapos ang krimen.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng Antipolo City Police na dakong alas-6:00 ng gabi nang maganap ang krimen sa Soliven St., Brgy. Mayamot, Antipolo City.

Nauna rito, lulan ang mga biktima ng kanilang Honda Jazz sedan, na may plakang ZCH-398, at patungo sa direksiyon ng Sumulong Highway, nang mapahinto sila sa isang intersection sa lugar.

Dito na umano sila biglang nilapitan ng mga suspek at kaagad na pinaulanan ng bala bago mabilis na tumakas.

Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang krimen para sa agarang pagkaresolba nito.