Patuloy pa ring nakaaapekto ang northeast monsoon o amihan at easterlies sa malaking bahagi ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes, Marso 21.

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magdadala ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Caraga, Davao Oriental, at Davao de Oro.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan naman ang posibleng maranasan sa Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Aurora, Quezon, at Camarines Norte dulot ng malamig na hanging amihan.

Bukod dito, inaasahang magdadala rin ang amihan ng maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong mahihinang mga pag-ulan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon.

Wala namang inaasahang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan sa naturang mga lugar sa bansa.

Samantala, inihayag din ng PAGASA na maaaring makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa easterlies at localized thunderstorms.

Posible naman daw ang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalakuyan ay may namamataan ang PAGASA na kumpol ng kaulapan o cloud cluster sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR), ngunit wala naman daw itong epekto sa bansa at hindi inaasahang mabubuo bilang low pressure area (LPA) o bagyo.