Patay ang dalawang magkapatid na kapwa menor de edad habang sugatan ang isa pang babae sa isang sunog na sumiklab sa isang bahayan sa Mandaluyong City nitong Miyerkules ng hatinggabi.
Ang mga biktima ay nakilalang sina Joyce Anne Postigo, 15, Grade 10 student, at Justine Dave Postigo, 6, kindergarten pupil.
Samantala, nagtamo naman ng lacerated wound sa mukha ang biktimang si Angelou Quintana, 22, residente rin ng naturang lugar.
Lumilitaw sa ulat ng Mandaluyong Bureau of Fire Protection (BFP) na dakong alas-11:51 ng gabi nang magsimulang sumiklab ang sunog sa tahanan ng mga biktima sa Star Interior, Brgy. Poblacion, Mandaluyong City.
Mabilis itong kumalat sa mga katabing tahanan at tumupok ng tinatayang aabot sa 50 bahay.
Aabot naman umano sa hanggang 150 pamilya ang naapektuhan ng sunog.
Nahirapan umano ang mga bumbero na pumasok sa lugar dahil sa masisikip na eskinita doon.
Sa lakas ng apoy, kaagad na itinaas sa ikalawang alarma ang sunog matapos lamang ilang minuto.
Dakong ala-01:01 na ng madaling araw nang maideklara itong under control at tuluyang naideklarang fire out bago mag-alas-2:00 ng madaling araw.
Ayon sa mga imbestigador, bago ang sunog, iniulat na hindi nakalabas ang magkapatid mula sa kanilang tahanan dahil kasalukuyan nang natutulog ang mga ito.
Ayon sa ina ng mga bata, bumaba lamang siya upang kumuha ng arinola nang biglang sumiklab ang apoy sa ikalawang palapag ng bahay, kung saan natutulog ang magkapatid.
Sa bilis aniya ng pangyayari, hindi na niya nailigtas pa ang mga anak.
Sa mopping operation na lamang nadiskubre ang mga bangkay ng mga biktima.
Masusi nang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sunog upang matukoy ang pinagsimulan nito, gayundin ang halaga ng mga ari-ariang tinupok ng apoy.