Sumanib umano sa kaniyang pinsan ang kaluluwa ng isang babaeng karumal-dumal na pinaslang sa Tarangnan, Samar kamakailan.

Sa ulat ng RMN News, sumapi raw ang kaluluwa ng biktima na si “Joylen” sa katawan ng pinsan nitong si “Chuchay,” at idinetalye ang kalunos-lunos na sinapit niya, kung saan pinagpira-piraso umano ng suspek ang kaniyang katawan at sinunog ito.

Dagdag ng ulat, sumanib ang kaluluwa ni Joylen kay Chuchay upang mayakap ang kaniyang mga naiwang anak.

Nais din umano ng kaluluwa ng biktima na makamit ang hustisya at mawala na sa kanilang bayan sa Tarangnan ang suspek sa kaniyang pagkamatay na si alyas “Diego” upang matahimik na siya.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Matatandaang naiulat kamakailan ng Manila Bulletin ang kalunos-lunos na nangyari kay “Joy” o “Joylen,” isang 31-anyos na residente ng Barangay Cahunghan.

Ayon sa pulisya, maaaring ginahasa o naging biktima ng isang nabigong tangkang panggagahasa si Joylen.

Nadiskubre umano ang sunog na ilang mga bahagi ng katawan ng biktima sa kakahuyan.

Natuklasan naman daw ng mga mangingisda ang kaniyang ulo at iba pang bahagi ng katawan na nakalagay sa sako habang lumulutang sa dagat dakong 3:00 ng madaling araw noong Sabado, Marso 2.

Nakilala naman daw ang suspek na si “Diego” dahil sa pagkabalisa nito sa gitna ng komprontasyon sa barangay hall.

Kasalukuyan umanong nasa ilalim ng kustodiya ng Tarangnan Municipal Police Station ang suspek.