Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa ngayong Lunes, Marso 4, dahil sa northeast monsoon o amihan at easterlies, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magdadala ang malamig na hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Batanes, Cagayan, at Isabela.
Wala namang inaasahang malaking epekto ang mga magiging pag-ulan sa mga nasabing lugar.
Samantala, inaasahang makararanas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, at sa localized thunderstorms.
Posible naman daw ang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga naturang lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa kasalakuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na bagyo o low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR). Maliit din daw ang tsansang may pumasok o mabuong bagyo sa loob ng PAR hanggang sa matapos ang linggong ito.
Kaugnay na Balita: