Maugong na usap-usapan ngayon ang tsikang magbababu na sa ere ang "Tahanang Pinakamasaya," ang noontime show ng TAPE, Inc. na umeere sa GMA Network, na dating may pamagat na "Eat Bulaga!"
Napalitan ang titulo nang muling mabawi nina Tito Sotto III, Vic Sotto, at Joey De Leon (TVJ) ang pamagat ng noontime show matapos ang legal battle sa trademark nito. Kaya ngayon, officially ay umeere na ang Eat Bulaga sa TV5 kung saan lumipat ang trio at original Dabarkads.
Sa Saturday episode nitong Marso 2, kapansin-pansin daw na tila bumaba nang kaunti ang energy ng mga host sa finale spiels nila, saka sila nag-bow nang sabay-sabay.
Kapansin-pansin din umano ang lungkot sa mukha ng ibang host na pinipilit na lang daw magmukhang masaya.
Isa pang nagpalatang sa isyu, wala na raw ang Facebook page nito kung saan napapanood nang live ang show sa pagsapit ng oras nito.
Ayon sa mga kumakalat na tsika, may utang na nga raw na nasa 800M ang TAPE sa GMA Network dahil masyado raw mataas ang airtime fee nito, bukod pa sa mga talent fee ng hosts nito, at siyempre, ang iba pang mga operational expenses.
Mutual decision daw ang nangyari sa pagitan ng TAPE at GMA Network.
Ngayon, ang siste, hindi pa sure kung anong mangyayari sa 12:00 noon slot na mababakante kung sakaling matutuloy na nga ang pagtigil sa pag-ere ng programa.
May mga nagsasabing puwede raw ilagay rito ang "TikToClock" na nasa pre-timeslot ng Tahanang Pinakamasaya, o kaya naman, pati ang "It's Showtime" ng ABS-CBN na umeere sa GTV ay puwede ring isalpak dito.
O kaya naman, posible ring baka bumuo na ng self-produced noontime show ang GMA.
Well, wala pang kumpirmasyon sa mga bagay na ito kaya abangan na lang ang susunod na mga kabanata.