Dalawa na sa anim na nawawalang mangingisda sa Southern Leyte ang nasagip sa bahagi ng Bohol Sea kamakailan.
Sa Facebook post ng Philippine Coast Guard (PCG), nanghihina at may mga gasgas sa katawan sina Joseph Mapalo, 35, binata, at taga-Cagniog, Surigao City, at Jesmar Besing, 36, may-asawa, at taga-San Juan, Surigao City.
Ang dalawa ay nasagip ng mga mangingisdang lulan ng FBCA Golden Top 888 sa bahagi ng Bohol Sea nitong Pebrero 29.
Probinsya
Babaeng, mag-eenroll ng dalawang anak, patay matapos pumailalim sa bus
Bago ang insidente, pumalaot makapit sa Limasawa Island ang anim na mangingisda, kasama sina Mapalo at Besing mula sa Brgy. Canlanipa, Surigao City nitong Pebrero 28, dakong 5:00 ng hapon.
Habang naglalayag sa karagatang sakop ng San Ricardo, Southern Leyte, bigla silang hinampas ng malalaking alon na ikinasira ng kanilang bangka.
Sinabi nina Mapalo at Besing, natawagan pa ng mga ito ang kanilang kamag-anak at ini-report ang insidente.
Iniwan na rin nila ang nasirang bangka at nagkanya-kanya ng langoy hanggang sa tangayin ng malalaking alon.
Pinaghahanap pa rin ng mga tauhan ng Coast Guard ang apat pang mangingisda.