Nagpahayag ng pagkabahala si Overseas Filipino Workers (OFW) Party-list Rep. Marissa "Del Mar" Magsino sa mga naiulat na mga kaso ng surot at daga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Matatandaang kamakailan lamang, ilang mga pasahero ang nag-post ng kanilang saloobin sa social media matapos daw silang makaramdam ng pangangati at magkapantal dahil sa surot.

Humingi naman ng paumanhin ang MIAA noong Miyerkules, Pebrero 28, sa mga nabiktima ng surot at sinabing inaaksiyunan na nila ang isyu.

National

‘May surot sa NAIA?’ MIAA, nag-sorry sa mga nakagat na pasahero

Pagkatapos nito, nag-viral nitong Biyernes, Marso 1, ang video hinggil sa isang tumatakbong daga na nakita rin umano NAIA.

https://balita.net.ph/2024/03/01/pagkatapos-ng-surot-daga-nakita-rin-daw-sa-naia/

"Ako po ay nababahala sa umiiral na kalagayan sa [NAIA] Terminals 2 at 3, lalo na sa mga ulat tungkol sa mga diumano’y insidente ng surot at daga na nagdudulot ng pangamba at hindi komportableng karanasan para sa mga pasahero," pahayag ni Magsino sa isang pahayag nitong Biyernes.

Samantala, bukod sa mga surot at daga, binanggit din ng mambabatas na patuloy pa rin umanong nagiging problema ang “congestion” sa loob ng paliparan, maging ang “mabagal na daloy ng trapiko sa paligid nito.”

“Ang mga isyung ito ay hindi lamang nagdudulot ng abala sa ating mga kababayan, kundi pati na rin sa imahe ng ating bansa sa pandaigdigang komunidad," ani Magsino.

Kaugnay nito, nanawagan si Magsino sa mga awtoridad, partikular na sa Department of Transportation (DOTr) at Manila International Airport Authority (MIAA), na magsagawa ng malalim na imbestigasyon at aksiyunan ang naturang mga isyu, lalo na raw ang “congestion” sa NAIA.

"Hindi ba’t pabalik-balik ang problemang ito? Bakit wala pa ring pangmatagalang solusyon?” saad ni Magsino.

"Ang ating mga paliparan ay hindi lamang gateway sa ating tourism industry kung hindi pati ng ating labor migration. Ang pagkaantala sa proseso sa departure ng ating mga OFWs ay naglalagay ng kanilang kabuhayan sa alanganin dahil sa posibleng missed flights na magreresulta sa hindi pagtupad sa kanilang deployment schedules o return-to-work orders," dagdag pa niya.