Humingi ng paumanhin ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa mga pasaherong nakagat umano ng mga surot o “red bugs” sa Terminal 2 at 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa isang pahayag nitong Miyerkules, Pebrero 28, sinabi ng airport authority na agad daw na inatasan ni MIAA General Manager Eric Ines ang mga terminal manager na imbestigahan ang insidente at bigyan siya ng ulat sa loob ng 24 na oras, maging ng kanilang mga inirerekomendang hakbang upang agad itong maresolba.

“Directive was also given for the conduct of comprehensive facility inspections and enhanced sanitation measures,” anang MIAA.

“The MIAA apologizes to the victims and assures them that a speedy resolution to this can be expected,” dagdag nito.

National

Chel Diokno sa pagtakbo ng Akbayan sa Kongreso: ‘Our record speaks for itself!’

Samantala, nakumpirma umano ng management na nakatanggap ang kanilang mga terminal ng reklamo, at dalawa umano sa mga nakagat ng mga surot ang binigyan ng medical assistance ng kaniyang medical teams.

“The seats identified in the reports have been pulled out permanently while disinfection schedules shall continue to be undertaken,” saad ng MIAA.

Ang naturang pahayag ng MIAA ay nangyari matapos i-post ng ilang mga pasahero ng NAIA ang kanilang saloobin sa social media matapos daw silang makaramdam ng pangangati at magkapantal dahil sa surot.

Sa ulat din ng "Saksi" ng GMA, ibinahagi ng isang registered nurse na nagkapantal daw siya sa binti matapos siyang maupo sa upuang rattan sa arrival area noong Biyernes, Pebrero 23.