“Ang DSWD ay kasama po ng inyong komunidad at lokal na pamahalaan upang malampasan ang hamon na ito. Ang ating national government, lokal na pamahalaan, mga kawani ng gobyerno, mga volunteer, at higit sa lahat, ang ating mga kababayan, ay nagkaisa para ayusin ang pinsalang idinulot ng oil spill,” ani Cajipe.
Binanggit din ng opisyal ang ginampanang papel ng mga tauhan ng ahensya sa pagtugon sa pangangailangan ng mga apektadong komunidad.
“Aming karangalan sa DSWD na ang bawat "Angel in Red Vest" ay makapaghatid ng tulong sa inyo kalakip ang extra care at extra love para sa apektadong pamilya,” aniya.
Halos ₱982.7 milyong halaga ng humanitarian aid ang naibigay ng DSWD sa mahigit 42,500 pamilya na apektado ng insidente sa Oriental Mindoro, Batangas, Palawan, at Antique.
Matatandaang lumubog ang naturang barko sa Naujan, Oriental Mindoro matapos hampasin ng malalakas na alon noong Pebrero 28, 2023.
Sakay ng nasabing barko ang 800,000 litro ng industrial fuel oil nang maganap ang insidente.