Pinagkagaluhuan ng mga residente sa Brgy. Aras-Arasan, Tobias Fornier, Antique ang tone-toneladang mga isdang dilis na dumagsa sa dalampasigan ng baybayin sa kanilang lugar.

Makikita sa Facebook post ni Camille Alcazar, 21, ang ilang mga larawan at video ng kumpol ng mga isdang tila umaanod sa dalampasigan kung saan ang iba raw dito ay mga buhay pa.

Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Alcazar na nangyari ang dagsaan ng mga dilis noong Pebrero 14, dakong 5:00 ng hapon.

“Tinawag lang po ako ni Mama na magdala ng balde at plastic kasi marami daw kuha nila na isda,” kuwento ni Alcazar sa Balita.

Tourism

World Architecture Day: Ilang makasaysayang gusali sa bansa na nananatili pa ring nakatayo

Nasa mga 50 banyera daw ang nakuha ng pamilya ni Alcazar nang araw na iyon, kung saan naibenta raw nila ang ilan sa mga ito habang ipinamigay na lang ang ibang dilis.

Bagama’t season umano ngayon ng pangingisda, hindi pa rin daw akalain ng mga residente sa lugar na ganoong karaming dilis ang bubulaga sa kanila.

Sa kabila nito, sinabi ni Alcazar na itinuturing ng mga residente ang pambihirang pangyayari bilang isang biyaya mula sa Diyos.

“Sobrang saya po kasi first time pong nangyari dito sa amin itong malaking blessings na ito,” saad ni Alcazar.