Hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang militar na maging “peacemaker” at suportahan ang mga programa para sa mga rebeldeng nagbalik-loob sa pamahalaan.

Sa kaniyang “Talk to Troops” sa 401st Infantry Brigade headquarters ng Philippine Army sa Prosperidad, Agusan del Sur nitong Biyernes, Pebrero 16, binati ni Marcos ang mga sundalo sa kanila raw magaling na pagseserbisyo upang mapanatiling ligtas ang bansa.

Samantala, binanggit din ng pangulo na isa sa mga bagong paraan ng pamahalaan para sa internal conflicts ay ang paghikayat sa mga sundalong maging “peacemakers” habang nilalabanan ang mga grupong nagiging banta sa kapayapaan at demokrasya.

“Iba ang ating approach sa ating internal conflicts that we have within the Philippines at hinihingi natin sa ating mga sundalo ay kailangan maging war fighter and we still need war fighters and we still need the courage and the bravery and the sacrifice that you have shown,” pahayag ni Marcos.

PBBM, pinagkalooban ng amnestiya ang ilang grupo ng mga rebelde

“But now there is an additional dimension to the job that you have. ‘Yung mission ninyo ay hindi lang ‘yung giyera kung hindi, you have to be also peacemakers at they must remember that kahit papaano, ang kaharap natin, Pilipino din yan,” dagdag pa niya.

Iginiit din ng pangulo na mas mabuti raw na pababain at tulungan ang mga rebeldeng magbagong buhay, kaysa pairalin ang labanan.

"Imbes na maglaban tayo ay pababain na natin sila at tulungan natin sila na magkaroon ng maganda namang buhay upang hindi na sila lumaban sa gobyerno,” saad ni Marcos.

Matatandaang noong Nobyembre ng nakaraang taon, nilagdaan ng pangulo ang ilang mga proklamasyon na naglalayong pagkalooban ng amnestiya ang ilang grupo ng mga rebelde bilang bahagi umano ng peace initiatives ng administrasyon.