China Coast Guard, nam-bully ulit sa Scarborough Shoal -- PCG
Walong Chinese vessel ang namataan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal matapos ang siyam na araw na maritime security operations na nagsimula nitong Pebrero 1.
Sa report ng PCG, kabilang sa walong barko ang apat na China Coast Guard (CCG) vessels at apat na barko ng Chinese Maritime Militia (CMM) na nang-harass na naman sa BRP Teresa Magbanua.
Kinumpirma ng Coast Guard na apat na beses na nagsagawa ng mapanganib na pagmamaniobra ang mga barko ng CCG na muntik nang magdulot ng aksidente.
Pagdidiin ng PCG, paglabag sa Convention on the International Regulations for Preventing Collisions at Sea (COLREGS) ang naturang hakbang ng apat na CCG vessel.
Nauna nang inihayag ng PCG, nagsagawa sila ng maritime patrol upang matiyak ang kaligtasan ng mga mangingisda sa Bajo de Masinloc laban sa pang-harass ng CCG.
Iginiit ng PCG na ang maritime activity nito ay naaayon sa soberanya at hurisdiksyon ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc.