Tinawanan ni Senador Imee Marcos ang naging mensahe sa kaniya ng pinsan niyang si House Speaker Martin Romualdez na “wala sanang bastusan” matapos niya itong sabihan ng “walang gamot sa kakapalan ng mukha mo.”

Matatandaang unang nagbitiw ng “maanghang” na salita si Marcos laban kay Romualdez nitong Martes, Enero 30, matapos sabihin ng House leader na wala umanong pakialam ang Senado sa usapin ng People’s Initiative (PI) para sa Charter Change (Cha-Cha).

“Sinumang may-sabi na walang pake ang Senado sa usaping ito, isa lang ang masasabi ko: ‘Walang gamot sa kakapalan ng mukha mo’,” pagbibigay-diin din ng senador.

MAKI-BALITA: Imee pinatutsadahan si Romualdez: ‘Walang gamot sa kakapalan ng mukha mo’

National

Hindi paggamit ng ‘mother tongue’ sa pagtuturo sa Kinder – Grade 3, naisabatas na!

Sinagot naman ito ni Romualdez sa pamamagitan ng isang pahayag nitong Martes at sinabing wala raw sanang bastusan.

“Ang pakiusap ko lang kay Senator Imee. Hindi po kailangan ng bastusan. Pinakikinggan tayo ng mga kabataan at hindi magandang ehemplo ang ganito,” ani Romualdez.

“Tapusin na po natin ang bangayan. Magtrabaho na lamang po tayo. Para na rin sa kapakanan ng mga kapwa natin Pilipino,” dagdag pa niya.

MAKI-BALITA: Romualdez, sinagot tirada ni Imee: ‘Hindi po kailangan ng bastusan’

Kaugnay nito, muli namang nag-react ang senador sa naturang mensahe sa kaniya ng kaniyang pinsan.

“Nakakatawa. Ceasefire daw. Wala daw bastusan. Eh siya naman ang nagsabi: Walang pake ang Senado,” ani Marcos sa panayam ng mga mamamahayag.

“Siya nag-umpisa. Noong inugali ko ‘yung ugali niya, umiiyak siya,” dagdag pa niya.