Ipinanalangin ni Senador Imee Marcos na ilayo raw sana ang kaniyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga “demonyong” nakapaligid dito.

"Haplusin nawa ninyo ang puso ng aking kapatid, ang pangulo ng Pilipinas. Buksan po ninyo ang kaniyang mga mata at bigyan n’yo siya ng kaliwanagan ng pag-iisip,” panalangin ni Senador Marcos sa naganap na Jesus is Lord Worldwide Prayer and Vision Casting 2024 sa Norzagaray, Bulacan nitong Sabado, Enero 27.

“Gisingin n’yo po siya at ilayo sa mga demonyong nakapaligid,” dagdag niya.

Hiniling din ng senador na huwag daw sanang sayangin ni Pangulong Marcos ang tiwala ng taumbayan at “huwag ipaubaya ang bayan sa mga sakim.”

National

Matapos rebelasyon ni Garma: Ex-Pres. Duterte, dapat nang kasuhan – Rep. Castro

“Ipaalala n’yo sa kaniya ang pangarap ng aming ama para sa bayan. Maging gabay niya sana ang kasaysayang humubog sa aming pamilya, pakinggan niya ang sumamo ng nakararami,” ani Senador Marcos.

“Huwag [sana niyang] biguin ang mga nagtiwala, huwag sayangin ang pagkakataon, huwag ipaubaya ang bayan sa mga sakim at uhaw sa atensyon at sa bawat araw ng panunungkulan ay laging ihuli ang anumang pansarili,” saad pa niya.