Pormal nang ibinasura ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) nitong Biyernes ang mosyon ng Sonshine Media Network International (SMNI) kaugnay ng suspensyon ng dalawa sa mga programa nito.

“After a meticulous scrutiny of the matters raised in the respective motions, however, the MTRCB concluded that they merely reiterated points already raised in the position papers submitted earlier,” bahagi ng desisyon ng MTRCB.

Kabilang sa dalawang programa ang "Gikan sa Masa, Para sa Masa" at Laban Kasama ang Bayan."

National

Umano'y 'white substance' na inabot kay PBBM, isang lapel pin daw sey ng PCO

Sa isinampang mosyon ng SMNI nitong Enero 11, hiniling nito sa MTRCB na bawiin ang suspensyon at iginiit na paglabag ito sa freedom of speech, freedom of expression of the press, at due process.

Gayunman, iginiit ng MTRCB na nilabag ng SMNI ang mga alituntunin ng pamahalaan sa pagbabalita alinsunod na rin sa Presidential Decree 1986.

Tinukoy ng MTRCB ang October 10, 2023 episode ng "Gikan sa Masa, Para sa Masa" kung saan pinagbantaan ng host nito na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kongresista na nais niyang patayin.

Binanggit din ng MTRCB, naglabas naman ng "unverified news content" ang "Laban Kasama ang Bayan" program at ito ay paglabag din sa batas.

“MTRCB’s mandate is to protect viewers from inappropriate content, more so on Television where viewers of all ages have unadulterated access. Grounded in the principles of due process and fairness, our resolve to enforce accountability in media content regulation is resolute,” pahayag naman ni MTRCB chairperson Lala Sotto.

Kaugnay nito, sinabi ng isa sa mga abogado ng SMNI na si Mark Tolentino na aapela sila sa Malacañang sa mga susunod na araw.

Sa isa pang pahayag ng kampo ng SMNI, dapat gamitin ng MTRCB ang desisyon ng Quezon City Prosecutor's Office nagbabasura sa reklamo ni Rep. France Castro laban kay dating Pangulo Rodrigo Duterte.