Kaagad na binawian ng buhay ang isang lalaki matapos na mabangga ng dalawang magkasalubong na sasakyan sa Taytay, Rizal nitong Lunes ng gabi.

Hindi kaagad na natukoy ang pagkakakilanlan ng lalaking biktima na kaagad namang naisugod sa Taytay Emergency Hospital ngunit idineklara na ring patay ng mga doktor dahil sa matinding pinsalang tinamong sa ulo at katawan.

Batay sa ulat ng Taytay Municipal Police Station, nabatid na dakong alas-7:29 ng gabi nang maganap ang insidente sa Ortigas Avenue Extension, sa Brgy. Dolores, sa Taytay. Kinilala ang mga driver ng dalawang sasakyan na sina Romualdo Mateo Jr. at Joey Suelo na kapwa nakabangga sa biktima.

Nauna rito, tumatawid umano ang biktima sa kalsada nang bigla na lang itong mabangga ng Suzuki Utility Vehicle na may plakang NEK-2243 na minamaneho ni Mateo, mula sa Kaytikling Rotonda patungong Antipolo City.

Lacson, tila nagpatutsada sa ilang nag-file ng COC: 'The following are not disqualified...'

Dahil sa impact nang pagkakabangga, tumilapon ang biktima sa kabilang linya ng kalsada, kung saan siya nabangga rin at nakaladkad pa ng kasalubong na Mitsubishi Utility Vehicle na may plate no. NIQ-2091, na minamaneho naman ni Suelo.

Arestado at mahaharap sa kaukulang kaso sa piskalya ang dalawang driver.