“A complete waste of public funds.”

Ito ang binigyang-diin ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas sa naging paggamit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng chopper para makadalo sa concert ng British rock band na Coldplay sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan noong Biyernes, Enero 19.

Sa kaniyang pahayag nitong Linggo, Enero 21, sinabi rin ni Brosas na “insensitive” at “out-of-touch” ang naging pagsakay ni Marcos sa chopper para sa “Music of the Spheres” world tour ng Coldplay lalo na’t tiniis daw ng mga ordinaryong Pilipino ang traffic dahil sa “mass transportation crisis.”

"An ordinary Filipino endures heavy traffic while commuting via jeep and other affordable public transportation. Meanwhile, the country's president utilizes taxpayer funds to conveniently travel in a helicopter to reach a concert," giit ni Brosas.

First Lady Liza Marcos: ‘The Coldplay concert was awesome’

"It was very insensitive and out-of-touch. Kaya naman pala hindi nag-atubili ang presidente na tanggalan ng kabuhayan ang mga jeepney drivers – hindi kasi danas ang hirap na nararanasan ng ordinaryong Pilipino sa kawalan ng maayos na pang-masang transportasyon," dagdag pa niya.

Pinagkumpara rin ng mambabatas ang naging pagdalo ng pangulo sa concert ng coldplay at ang hindi umano nito pagharap sa mga tsuper at operator ng jeep na nagwewelga laban sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.

"Mabuti pa ang concert, sasadyain talaga ng Pangulo kahit gamitin pa ang chopper. Samantala, ‘yung mga jeepney driver na ilang buwan na nagwewelga, ni-minsan hindi niya hinarap,” giit ni Brosas.

Matatandaang naging usap-usapan kamakailan sa social media ang mga video at larawan kung saan may nakitang tatlong chopper sa venue ng concert, na pinaniniwalaang karga nito ang VIPs, kabilang ang pangulo kasama ang asawa niyang si First Lady Liza Araneta-Marcos at anak nilang si William Vincent.

MAKI-BALITA: PBBM, gumamit daw ng presidential chopper papuntang Coldplay concert?

Agad namang naglabas ng paliwanag at opisyal na pahayag ang Presidential Security Group (PSG), sa pangunguna ni PSG commander Maj. Gen. Nelson Morales, hinggil sa naturang pagsakay ng pamilya sa presidential helicopter.

Ayon kay Morales, tiniyak lamang daw ng PSG ang seguridad ng pangulo at unang ginang dahil sa dagsa ng mga tao sa concert, na tinatayang umabot sa 40,000 indibidwal.

MAKI-BALITA: PSG nagpaliwanag sa ‘helicopter issue’ kay PBBM sa Coldplay concert

Samantala, iginiit ni Brosas na ang naturang pahayag ni Morales ay isa lamang daw “sorry attempt to save face."

Kaugnay na Balita: