Kinilala at pinasalamatan ni Pope Francis ang mga Pinoy bunsod na rin ng patuloy na pagsusumikap na maging tagapagpalaganap ng ebanghelyo.

Mismong si Vatican Secretary General of the Synod of Bishops Cardinal Mario Grech ang nagsaad ng mensahe ng Santo Papa na ipinaabot sa kanya, sa kanyang keynote address sa unang araw ng three-day Philippine Conference on New Evangelization (PCNE X) sa University of Santo Tomas (UST), na isinasagawa nitong Enero 19 hanggang 21, 2024.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kwento ni Cardinal Grech, dalawang araw bago ang kanyang pag-alis sa Roma patungo ng Pilipinas, personal niyang nakausap ang Santo Papa.

Nagpaabot aniya ito ng pagkilala at pasasalamat sa pambihirang pagsusumikap ng mga Pilipino na magsilbing katuwang ng Simbahan sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita at misyon ni Hesus sa daigdig.

Ibinahagi rin naman ng Cardinal na kaakibat ng pasasalamat at pagkilala ni Pope Francis sa mga Pilipinong Katoliko ang suporta at panalangin upang higit pang mapag-alab at hindi matakot na ipinagpatuloy ang misyon ng ebanghelisasyon saan mang bahagi ng mundo.

“Two days ago I met the Holy Father and I told him that I was coming to meet you (Filipinos) for this experience and he told me to extend to you his personal gratitude for all the work you are doing to announce the Gospel, to help Jesus to meet today's society and the Holy Father would like to encourage you not to be afraid to cross to the other side,” ayon kay Cardinal Grech.

Nabatid na ang ang keynote address ni Cardinal Grech kaugnay sa paksang “Synodality—A synodal Church in Mission” ang siyang tampok sa unang araw ng PCNE 10.

Dito ay binigyang-diin ng opisyal ang kahalagahan ng pagiging bukas sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor upang ganap na matutukan ng Simbahan ang mga mahahalagang usapin sa lipunan.

Ang tema ng PCNE 10 ngayong taon ay ang paggunita rin sa unang dekada ng gawain ang ‘Salya: Let us cross to the other side’ na hango sa ebanghelyo ni San Marcos kabanata apat talata 35.

Si Manila Archbishop Jose Cardinal Advicula naman ang siyang nanguna sa pagdiriwang ng banal na misa sa pagsisimula ng PCNE X sa UST Quadricentennial Pavillion.

Nagsilbi namang tagapagbahagi ng pambungad na talumpati para sa mga delegado si Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown.

Matatandaang unang isinagawa ang PCNE taong 2013 sa pangunguna ng noo’y Arsobispo ng Maynila na si Filipino Cardinal Luis Antonio Tagle, pro-prefect ng Dicastery for Evangelization, bilang tugon sa panawagang New Evangelization ng Simbahang Katolika.