Sinibak na sa serbisyo si Police Major Allan de Castro kaugnay ng umano'y pagkakadawit sa pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon sa Batangas noong Oktubre 2023.

Ito ang kinumpirma ni Police Regional Office (PRO) 4A (Calabarzon) chief, Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas at sinabing wala na sa serbisyo si De Castro simula Enero 16 kasunod na rin ng imbestigasyon ng Regional Internal Affairs Service (RIAS) 4A.

Paliwanag ni Lucas, nag-ugat ang alegasyon sa kasong administratibo (conduct unbecoming of a police officer) dahil natuklasan sa imbestigasyon ng RIAS 4A ang "illicit at extramarital affair" sa pagitan nina De Castro at Camilon.

"We are committed to the conduct of fair and impartial investigations into any allegations of misconduct, regardless of our personnel’s rank or position. Hindi natin hahayaan na masangkot sa ano mang katulad na insidente ang ating mga personnel that will taint the image of the PNP, especially here in the PRO Calabarzon,” ani Lucas.

Probinsya

Mastermind sa pagpatay sa mag-asawang online seller, kumpare raw ng mga biktima

Paglilinaw ng opisyal, inalis sa serbisyo si De Castro dahil sa kasong administratibo at hiwalay din ito sa kinakaharap na kasong kriminal sa hukuman.

Si De Castro ay kinasuhan ng Criminal Investigation and Detection Group-Calabarzon ng kidnapping sa Batangas Provincial Prosecutor's Office.

Kabilang din sa kinasuhan ang driver nito na si Jeffrey Magpantay at dalawang hindi pa nakikilala.

Matatandaang huling nakita si Camilon sa isang mall sa Lemery, Batangas ilang oras bago ito mawala noong Oktubre 12, dakong 7:00 ng gabi.