Hinamon ni Rose Camilon ang prime suspect na si Police Maj. Allan de Castro na lumantad na at magbigay ng pahayag kaugnay ng pagkawala ng kanyang anak na beauty queen na si Catherine Camilon sa Batangas noong Oktubre 2023.

"Kung sila ay walang itinatago, bakit hind sila magsasalita, hindi ba?," pagdidiin ni Rose sa panayam sa telebisyon nang dumalo sa pagpapatuloy ng preliminary investigation ng kaso sa Batangas City Hall of Justice nitong Miyerkules ng hapon.

Probinsya

Freedivers, inatake ng barracuda sa Batangas

Dumalo ito sa nasabing pagdinig upang magharap ng reply affidavit, kasama ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group-Calabarzon.

Ito na ang ikatlong pagdinig na dinaluhan ng ina ng nawawalang beauty queen.

Sa nakaraang pagdinig nitong Enero 9, hindi sumipot si De Castro at idinahilan ng kanyang abogado na nilalagnat ito.

Bukod sa naturang police official, kasama rin sa suspek sa kaso ang driver ni De Castro na si Jeffrey Magpantay na sumuko sa Balayan Municipal Police Station nitong Enero 9.

Aniya, hindi siya hinarap ni Magpantay nang magtungo siya sa himpilan ng pulisya nitong Enero 10.

Nagtataka rin ang ina ni Catherine kung bakit hindi pa ring nagbibigay ng pahayag sina De Castro at Magpantay hinggil sa kaso.

“Ewan sa kanila kung ano ang ano nila, kung ano ang meron sa kanila, bakit ayaw nilang magpakita? Di ba kung wala ka namang talagang itinatago, o kahit sino puwede mong harapin, puwede kang magsalita kahit ano ang puwedeng itanong sa iyo,” aniya.

Sa kabila nito, umaasa pa rin si Rose na magkaroon ng linaw ang kaso.

Matatandaang naiulat na nawawala si Camilon matapos huling makausap ng pamilya noong Oktubre 12, dakong 8:00 ng gabi kung saan nagsabing nasa isang gasolinahan ito sa Bauan, Batangas at makikipagkita sa isang kaibigan sa Batangas City.