“Napakagandang balita po ito para sa bayan.”
Ito ang naging reaksiyon ni Senador Robinhood Padilla hinggil sa inihaing resolusyon sa Senado na naglalayong suriin ang ilang mga pang-ekonomikong probisyon ng 1987 Constitution ng bansa.
Matatandaang inanunsyo ni Senate President Juan Miguel Zubiri nitong Lunes, Enero 15, na inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Senado na manguna sa pagsisiyasat sa economic provisions ng Konstitusyon.
Ito ay kaugnay umano ng mga hakbang para amyendahan ang ilang mga probisyon ng 1987 Constitution.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Padilla, chairperson ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes, na magdudulot daw ng bagong sigla sa ekonomiya ang naturang hakbang ng pamahalaan.
"Napakagandang balita po ito para sa Bayan. Magkakaroon na po ng bagong sigla ang ating ekonomiya tungo sa pag-unlad ng buhay ng mga Pilipino," pahayag ni Padilla nitong Lunes.
Iginiit din ng senador na ang naturang pag-review ng Senado sa Charter ay nagpapakita umanong nasa mabuting direksyon ang kaniyang komite nang inihain nila ang panukalang amyendahan ang 1987 Constitution.