July 15, 2026

Home BALITA National

Panelo, kinudang 'di malalim' imbestigasyon ng NBI vs VP Sara!

Panelo, kinudang 'di malalim' imbestigasyon ng NBI vs VP Sara!
Photo courtesy: PCO, Senate of the Philippines

Tumirada si Atty. Salvador "Sal" Panelo na hindi raw naging malalim ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa umano’y pagbabanta ni Vice President Sara Duterte laban sa buhay nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., First Lady Liza Marcos, at Leyte 1st District Representative at dating House Speaker Martin Romualdez. 

Matatandaang muling ikinasa ang ikaapat na araw at ikalawang linggo ng Senate impeachment trial laban kay VP Sara noong Lunes, Hulyo 13, 2026, kung saan umupo sa witness deck ang ikalawang testigo ng prosecution na si NBI Regional Director Jeremy Lotoc. 

Sumentro pa rin ang usapin ng impeachment trial sa Article IV ng Articles of Impeachment kaugnay sa naging pagbabanta umano ni VP Sara sa mga nabanggit mula noong Nobyembre 23, 2024, at mga sumunod pa. 

Sa naging pahayag naman ni Panelo sa panayam sa kaniya ng media noon ding Lunes, sinabi niyang lumabas daw sa naging pagtestigo ni Lotoc na hindi malalim ang naging imbestigasyon ng NBI. 

“Ang na-prove doon, nag-imbestiga sila pero hindi malalim ‘yong imbestigasyon. Iyong mga dapat nilang imbestigahan ay lumalabas na hindi nila naimbestigahan,” pagsisimula niya. 

National

UAAP, pinagbigyan palugit ng ADMU sa findings ng pagkasawi nina Baterbonia, Adili!

Dagdag pa niya, “Pangalawa, silang nagdetermina kung crime nga o hindi. Kasi paiba-iba sila. Pinupunto ng ng isang senador, conditional [threat], absolute, ano ba talaga? Ang gulo ninyo. Parang ganoon. Kumbaga hindi sila consistent.” 

Ani Panelo, wala raw napatunayan ang NBI batay sa dapat na pagtutok nila sa usapin ng “assassin” na kinausap umano ni VP Sara para patayin ang Pangulo, First Lady, at dating House Speaker sakali man daw na may mangyaring masama rito. 

“Wala silang na-prove kasi ‘di ba ang iniimbestigahan nila supposedly ay ‘yong threat. Pero doon sa threat na iyon, ang importante doon ‘yong assassin, e. Doon nga sila nagko-concentrate. Pero hindi nila na-prove-bahan ‘yon,” aniya. 

Patutsada pa ng abogado, “Noong hindi nila naprobahan, binabago nila ‘yong kanilang naratibo, ‘E, hindi, kasi may banta, seryoso, galit siya, e. Kaya naniniwala kaming talagang totoong ginawa niya ‘yon. Lalo pa, Bise Presidente siya.’” 

Buwelta ni Panelo, mas mahalaga raw na usapin ang kalagayan ni VP Sara na sinisiil at may banta sa buhay niya kaya raw ito nakapagbitiw ng babalang papatayin niya rin ang Pangulo, First Lady, at dating House Speaker. 

“Hindi naman ‘yon ang pinag-uusapan. Ang importante doon… ‘yong circumstances kasi na ino-oppress siya, pagkatapos may banta sa kaniya. ‘Yon talaga ang nag-trigger ng galit niya,” aniya. 

“Parang tinakot niya rin, ‘kapag pinatay n’yo ako, patayin ko rin kayo.’ Hindi naman crime ‘yong ganoon. Kaya galit na galit siya. ‘Yon talaga ‘yong galit ni Inday Sara,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, nakatakdang magsimula muli sa ganap na 2:00 ng hapon nitong Martes, Hulyo 14, ang kasunod na impeachment trial kung saan haharap muli si Lotoc bilang testigo. 

Habang kasunod naman niyang uupo sa witness deck si Atty. Zuleika Lopez na kasalukuyang Chief of Staff ng Office of the Vice President (OVP).

KAUGNAY NA BALITA: Panelo, pinuri si Sen. Risa sa impeachment trial: 'Dapat ganun mga tanong!'

KAUGNAY NA BALITA: Bukod sa impeachment charges, kasong sedisyon vs VP Sara, pending pa rin—DOJ