Inilahad sa publiko ni Department of Justice (DOJ) Sec. Fredderick Vida na pending pa rin daw sa kanilang tanggapan ang kasong sedisyon laban kay Vice President Sara Duterte bukod pa raw sa kinakaharap ng huli sa Senate impeachment trial.
Matatandaang nagsampa ang National Bureau of Investigation (NBI) noong Pebrero 12, 2025, ng mga reklamong inciting to sedition at grave threats laban kay VP Sara kaugnay umano sa pagbabanta ng huli sa buhay nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., First Lady Liza Marcos, at Leyte 1st District Representative at dating House Speaker Martin Romualdez noong Nobyembre 23, 2025 at mga sumunod pa.
Nitong Hulyo, 6, 2026, opisyal namang nagsimula ang Senate impeachment trial laban kay VP Sara at unang pinag-usapan dito ang naturang naging mga pagbabanta ng Bise President sa buhay ng mga banggit, na nakasaad sa Article IV ng Articles of Impeachment.
Sa naging pahayag naman ni Vida sa panayam sa kaniya ng media nitong Lunes, Hulyo 13, 2026, nilinaw niyang ibang proseso pa raw ang dinidinig sa impeachment trial laban kay VP Sara.
“Tingnan din natin nang maigi. ‘Yong impeachment process ay ibang proseso. Ang proseso niyan ay para mapanagot ang isang impeachable officer kapag merong basehan,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “‘Yan nga ‘yong dinidinig ngayon ng impeachment court natin, ang Senado.”
Ani Vida, iba naman daw ang prosesong dinadaan ng mga kasong may pananagutang kriminal sa batas na saklaw ng DOJ at tiniyak niyang gagampanan daw nila batay sa kanilang tungkulin.
“Sa Department of Justice, ang pananagutan ng mga kriminal ay base sa pananagutan ng kriminal na batas at ‘yan ay may hiwalay na paglalakbay,” aniya.
“Ang pag-aaral ng Department of Justice sa ating mga panel o prosecutors para dito ay may hiwalay na biyahe. Gagawin namin nang ayon sa aming kakayahan,” pagtatapos pa niya.
Samantala, hindi naman kinumpirma ni Vida kung nasaang yugto na ang kasong sedisyong isinampa NBI sa kanila laban kay VP Sara.
KAUGNAY NA BALITA: 'Pagkontrata sa mamamatay-tao' ni VP Sara 'di normal, 110% betrayed public trust!’—Prosecution
KAUGNAY NA BALITA: 'Threat is a threat:' De Lima, kinudang walang 'such thing' na conditional threat!