Bumuwelta ang House prosecutor na si Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima na wala raw tinatawag na “conditional threats” dahil pagbabanta raw talaga ang isang pagbabanta anoman ang maging porma nito.
Matatandaang sumentro sa Article IV ng Articles of Impeachment ang mga naging pagbabanta umano ni Vice President Sara Duterte sa buhay nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., First Lady Lize Marcos, at Leyte 1st District Representative at dating House Speaker Martin Romualdez noong Nobyembre 23, 2024, at mga sumunod pa.
Nagsimula ang unang linggo ng Senate impeachment trial noong Lunes, Hulyo 6, at natapos naman noong Miyerkules, Hulyo 8, 2026.
Sa naging pahayag naman ni De Lima sa isinagawa nilang “Saturday News Forum” sa Kamara nitong Sabado, Hulyo 11, sinabi niyang hindi raw sila naniniwala sa terminong “conditional threat.”
“Ang pagkakaalam po natin, wala po. There’s no such thing as conditional threat because threat is a threat,” pagsisimula niya.
Ani De Lima, maituturing daw na grave threats ang isang pagbabanta o pananakot kung makikita raw dito ang hangaring gumawa ng krimen ang isang indibidwal.
“Kapag manakot ang isang tao against another one, o kaya against the member of this family, and ‘yong pananakot na ‘yon is something that is amounting to crime, that is really grave threats,” aniya.
Dagdag pa niya, “Ano ‘yong crime na tinatakot dito o ‘yong pagbabanta, ito ‘yong pagpapatay doon sa Pangulo, sa First Lady, and former [House] Speaker.”
Pagpapatuloy ni De Lima, idniin niyang mananatiling pagbabanta ang isang pananakot kahit na may kondisyon o wala raw itong kondisyon.
Kagaya na rin daw ng kondisyon ni VP Sara na ipatodas ang Pangulo at iba pang mga nabanggit sakali man umanong may mangyaring hindi maganda sa kaniya.
“With or without conditions. Kahit nga maituturing na merong kondisyon, ‘yon na nga po ‘yong kondisyon niya na kung mamatay siya ay patayin ang Pangulo, First Lady, and the former Speaker,” ‘ika niya.
“Hindi pa rin ‘yan nawawala sa depinisyon o sa elements ng the grave threats under the Revised Penal Code,” pagtatapos pa ni De Lima.
KAUGNAY NA BALITA: Atty. Zuleika, magigisa 'pag nadeklerang hostile witness—De Lima
KAUGNAY NA BALITA: Rep. Chua bumuwelta kay VP Sara: 'Matagal nang nag-aantay taumbayan kung sino si Mary Grace Piattos!'