Bumanat si House prosecutor at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima na tiyak daw na magigisa si Office of the Vice President (OVP) Chief of Staff Atty. Zuleika Lopez kung maidedeklara ito ng Korte na isang hostile witness.
Sa naging pahayag ni De Lima sa panayam sa kaniya ng isang TV station nitong Biyernes, Hulyo 10, 2026, pinaliwanag niyang tumutungkol daw ang “hostile witness” sa isang testigo na hindi makikipagtulungan sa Korte.
Ani De Lima, maaari daw asahan ng publiko na hindi makikipagtulungan si Lopez sa Korte batay na rin daw sa kasalukuyan nitong posisyon bilang matagal nang nakasama ni VP Sara at kasalukuyang chief of staff sa OVP.
“Ang ibig sabihin ng hostile witness, hindi ka nga nakakasiguro o alam mo na hindi siya magiging cooperative. Adverse siya. Because of the position that she’s holding, her connection to the respondent, siya ‘yong long time aide and then siya na ang chief of staff noong mayor pa lang si VP Sara, nandoon na siya, she was the chief administrator,” pagsisimula niya.
Dagdag pa ng solon, “You can expect that she will be hostile, she will not be cooperative, she will not [espouse] the cause of the prosecution but rather the cause of the defense, kaya ituturing siyang hostile.”
Ani De Lima, may proseso naman daw ang Korte para ideklarang hostile witness ang isang testigo batay sa uri ng preliminary questioning ng isang prosecutor.
“Pero may proseso. Kailangan talagang i-establish muna kung bakit siya hostile. Kasama ‘yan sa line of questioning sa mga preliminary questions na tatanungin noong handling prosecutor,” aniya.
Paglilinaw naman ni De Lima, “Kasi normally, ordinarily if the witness is not hostile, hindi puwede ‘yong leading. Kasi sa direct testimony and cross examination, bawal ang leading.”
Diin ni De Lima, hindi naman daw magiging objectionable ang leading questions ng isang prosecutor kung maidedeklara ng Korte na hostile witness ang isang testigo.
“Pero kapag na-established na at mapayagan na hostile, kasi it would need the clearance of the Court to really consider her as hostile, after you make the preliminary questions as to her status and as a hostile witness, ay puwede kang magtanong ng leading basta madali kasing magtanong… hindi ‘yan magiging objectionable,” saad niya.
Pagpapatuloy ni De Lima, tila tiyak daw na mas magigisa ng prosecutor si Lopez kapag napatunayang hostile witness ang huli.
“Mas magigisa, mas madali ang pagtatanong, mas mali-lead mo talaga siya doon sa punto na dapat i-establish ng prosecution,” pagtatapos pa niya.
Nakatakdang umupo sa witness deck si Lopez sa darating na Martes, Hulyo 14, alinsunod sa ipinadalang subpoena ad testificandum ng impeachment court sa kaniya.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Mga dapat abangan sa week 2 ng impeachment trial!
KAUGNAY NA BALITA: Sec. Renato Bantug, inispluk dahilan ng pagbisita ni Atty. Zuleika Lopez sa Senado