Sa pambihirang pagkakataon, pinuri ni Atty. Salvador "Sal" Panelo si Senator-Judge Risa Hontiveros sa naging mga tanong nito sa naganap na day 2 at day 3 ng impeachment trial, kaugnay sa ikaapat na article of impeachment kay Vice President Sara Duterte, na may kinalaman sa umano'y "grave threats" o pagbabanta sa buhay nina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., First Lady Liza Araneta Marcos, at Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa panayam ni ABS-CBN News Channel (ANC) news anchor Karmina Constantino kay Panelo, bagama't sa maraming pagkakataon ay tutol siya sa senadora, sang-ayon naman siya sa mga naging tanong nito sa dalawang abogado ng magkabilang panig, na sina Atty. Amando Virgil Ligutan ng prosecution at Atty. Carlo Joaquin Narvasa ng defense.
"Binabanatan nila si Hontiveros, I disagree with her in so many things, pero tama yung tanong niya!" ani Panelo.
"Teka muna, hindi n'yo naman inaprubahan na may assassin, eh ano ba itong ginagawa n'yo, is this an impeachable offense o ito'y maling asal ng Bise Presidente? Tama yun! Dapat ganun ang mga tanong," giit pa ng abogado, na kilalang kaalyado ng mga Duterte.
Dagdag pa ni Panelo, inaasahan daw niya ang gayong klase ng pagtatanong sa senator-judges na may "sensitivity" at "common sense."
"Kung ikaw kasi judge, talagang dapat lahat ng tanong, itanong mo na. Hindi pupuwedeng ilimita. Kasi precising nga ang rules, ginagamit lang 'yan para kunin mo ang katotohanan. Pero kung 'yang rules mo, sisira mismo sa paghahanap mo ng katotohanan, eh palitan mo 'yan," aniya.
Kaya daw kinausap na niya si Senate President Win Gatchalian at sinabi aniyang mali ang rules nila kaya palitan nila.
"Ang I'm glad, the Senate President, nagsimula na siyang magsalita, sinabi ko sa kaniyang 'Mr. Senate President, hindi pupuwedeng papabayaan mo yung Presiding Officer, you are the Senate President. Pag mali 'yan, kailangang punahin mo 'yan," aniya pa.
Matatandaang pinuna ni Senator-Judge Pia Cayetano ang pagtatanong nang gayon ni Hontiveros dahil nag-provoke daw ito sa prosecutor para magbigay ng kaniyang "closing statement," at tila namadali raw ang proseso. Bagay na sinegundahan naman ng presiding officer na si Senator-Judge Chiz Escudero at pinaalalahanan ang mga kapwa senador-judge na mag-ingat sa paraan ng kanilang mga tanong, lalo't ginagampanan nila ang pagiging senador-hukom.
Tinanong kasi ni Hontiveros si Ligutan kung maituturing bang "impeachable" ang naging pagbabanta ni VP Sara, na sinagot naman ng prosecutor na oo.
Nilinaw naman ni Hontiveros na hindi niya intensyong i-provoke ang prosecutor para magbigay ng closing statement, at sumang-ayon sa maaaring desisyong tanggalin sa record ang naging mga sagot ni Ligutan sa kaniyang tanong.
Sa Day 3, inusisa ng senator-judge ang defense counsel na si Atty. Narvasa kung ang pinag-ugatan ba ng pagbabanta ni VP Sara kina PBBM, FL Liza, at Rep. Romualdez ay ang pagkakadetine ng kaniyang Chief of Staff na si Atty. Zuleika Lopez.
"Yes, your honor. There was a system of oppression made by the House of Representatives even before the mini trial,” saad ng legal counsel.
Nang tanungin ulit ni Sen. Risa ang depensa dapat bang mabigyang-katwiran ang umano’y mga banta ng kanilang kliyente kung may lehitimong dahilan para gawin ito, sumang-ayon dito ang abogado ng depensa.
Gayunman, agad na nagpaalala si Escudero sa mga senador-hukom na maging maingat sa pagtatanong sa mga abogado ng magkabilang panig.
Aniya, dapat iwasan ang mga tanong na maaaring magtulak sa mga abogado na magbigay ng mga sagot o konklusyon na maaaring makaapekto sa magiging paghusga sa kaso.