Aabot sa sampung critically endangered Philippine hanging parrots (Loriculus philippensis)—na kilala sa lokal na katawagang kulasisi—ang nasagip ng mga awtoridad sa isang operasyon sa Barangay Pangao-an, Magpet, Cotabato kamakailan.
Batay sa ulat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) - Soccsksargen nitong Martes, Hulyo 14, tinangka umanong ibenta ang mga kulasisi sa halagang ₱1000 kada isa.
Ayon pa sa kanila, napag-alaman ang umano’y ilegal na pagbebenta ng mga kulalasi matapos silang makatanggap ng ulat mula sa isang concerned citizen.
Base naman sa Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Matalam, ang umano’y illegal wildlife trade ng mga kulasisi ay isang patunay na patuloy ang banta ng illegal wildlife trafficking sa kabila ng mas pinaigting na panuntunan hinggil dito.
Gayunpaman, matagumpay na nailigtas ang mga kulalasi, at napalaya na rin ito sa pangunguna ng CENRO Matalam.
Bago palayain ang mga naturang hayop, sumailalim muna ang mga ito sa immediate health assessment.
Nang mapag-alamang “fit for release” ang mga kulasisi, isinagawa na ang pagbabalik sa mga ito sa kanilang natural habitat.
Anang DENR Soccsksargen, ang mga Philippine hanging parrot ay endemic sa bansa, o makikita lamang sa Pilipinas.
“The Philippine hanging parrot, found only in the Philippines, is classified as Critically Endangered (CR) under DENR Administrative Order No. 2019-09 due to severe habitat loss and persistent poaching for the illegal pet trade,” saad ng DENR Soccsksargen.
Dagdag pa nila, “The successful rescue and release underscore the vital role of community vigilance and swift law enforcement intervention in protecting the country's unique biodiversity from exploitation.”
Samantala, pinaalalahanan din ng ahensya ang publiko na ang koleksyon, panghuhuli, pag-aangkin, pagpapadala, at pagbebenta ng “wildlife” nang walang kaukulang permit ay isang paglabag sa Republic Act No. 9147—o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
Ang sinumang lumabag ay maaaring makulong ng apat na taon, at magbayad ng multang aabot sa ₱300,000.