Nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa Department of Health (DOH) na paigtingin ang information drive hinggil sa mga kaso ng acute gastroenteritis sa Baguio City.

Sa isang panayam, iginiit ni Go na dapat mas maipaliwanag ng DOH sa mga paaralan at komunidad ang pinagmulan ng outbreak ng gastroenteritis sa lungsod.

Kinakailangan din daw na masigurong ligtas at hindi positibo sa bacterial contamination ang iniinom na tubig ng mga residente sa mga lugar kung saan mayroong naitalang kaso ng gastroenteritis.

“Nananawagan po ako sa DOH to check kung ano pong cause nitong gastroenteritis na naging outbreak po sa Baguio. Anong cause kung bakit nagkaroon ng outbreak at safe ba ang iniinom nilang tubig?” ani Go.

Probinsya

Water sources, sinusuri na! 45 isinugod sa ospital dahil sa gastroenteritis outbreak sa Baguio

“Importante ang kalusugan ng bawat Pilipino dahil katumbas nga po ito ng buhay ng bawat Pilipino,” saad pa niya.

Matatandaang noon lamang Huwebes, Enero 11, 45 indibidwal sa Baguio ang isinugod sa ospital matapos tamaan ng gastroenteritis.

Ayon sa United States National Center for Biotechnology Information, ang gastroenteritis ay isang uri ng impeksiyon o pamamaga na nakaaapekto sa tiyan at bituka dala ng pagkonsumo ng kontaminadong tubig o pagkain.

Kaugnay nito, hinikayat ng health officials ang publiko na pakuluan ang inuming tubig nang dalawang minuto o gumamit ng chlorine-based water disinfection solutions upang mapigilan ang pagkalat ng nasabing sakit.