Pinag-usapan nina Ogie Diaz, Mama Loi, at Dyosa Pockoh sa kanilang showbiz entertainment vlog na "Showbiz Update" ang tungkol sa kumalat na tsikang naispatang magkasama sa isang gastropub sa Alabang sina Richard Gutierrez at Barbie Imperial.

Isyu ito dahil si Richard ay nasa gitna ng intriga ngayon sa pakikipaghiwalay sa kaniyang misis na si Sarah Lahbati, pero hanggang ngayon, wala pang nagsasalita sa kanilang dalawa tungkol dito.

Nagkasama sina Richard at Barbie sa "FPJ's Ang Probinsyano" at pagkatapos niyon ay wala nang proyektong pinagsamahan ang dalawa, kaya nagtataka ang mga netizen kung paano sila naging close sa isa't isa.

Ito ang unang beses na nakita si Richard na may kasamang ibang babae, sa kasagsagan ng isyu ng hiwalayan nila ng misis na si Sarah Lahbati.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Ayon pa sa mga lumabas na ulat, "bantay-sarado" ni Richard si Barbie at makikita raw sa gesture ni Chard ang pagiging maginoo nito nang alalayan si Barbie patungong palikuran.

Ngunit ayon sa ispluk ng source ni Ogie na malapit kay Richard, walang kahit na anong malisya or "brewing something" sa pagitan ng dalawa.

Lingid daw sa kaalaman ng lahat, si Barbie ay isa sa stockholders ng nabanggit na gastropub, at nagkataong bilang may-ari ay inestima niya si Richard na kaibigan din naman ang iba pa niyang kasosyo sa negosyo.

Ilang minuto lang daw nagkausap sina Barbie at Richard subalit naging mabilis na kaagad ang mga nakakita sa kanila sa pagkuha ng video at pagpapakalat nito sa social media.

Kaya mula mismo sa source ni Ogie, walang anumang malisya o relasyon sa pagitan nina Richard at Barbie.

Sa palagay ni Ogie, mainit ngayon ang mga mata ng tao kay Richard sa kung sinumang babae ang makitang kasama niya, hindi lamang si Barbie, kundi maging sa iba pa kung sakali.

Kaya naman medyo naaawa na si Ogie kay Barbie dahil nagkakaroon tuloy ng image ito na parang "play girl."

Paano naman kaya kung maispatan si Richard na may kasamang medyo may edad na, kagaya halimbawa ni Nova Villa, ganoon din ba raw ang maiisip ng mga marites?

Hindi rin naman daw maaalis kay Richard na hindi umalis ng bahay at mag-hang-out dahil hanggang ngayon daw ay nalulungkot pa rin ito sa sinapit ng relasyon nila ng asawa.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag sina Barbie at Richard tungkol dito.

MAKI-BALITA: Anong meron? Richard at Barbie, naispatang magkasama sa Alabang