Apela ng SMNI vs suspension order, pag-aaralan na ng NTC
Pag-aaralan na ng National Telecommunications Commission (NTC) ang apela ng Sonshine Media Network International (SMNI) kaugnay ng suspensyon ng ahensya sa operasyon ng nasabing media company dahil umano sa paglabag nito sa prangkisa.
Ito ay nang magharap ng mosyon ang SMNI na pag-aari ng Swara Sug Media Corporation, kung saan hiniling sa NTC na idetalye ang mga naging paglabag nito sa kanilang Certificate of Public Convenience at isama na rin ang mga ebidensya nito.
Katwiran ng SMNI, hindi binanggit ng NTC sa kautusang pagpapataw nito ng 30 araw na suspensyon nitong Disyembre 19, 2023 ang mga naging paglabag nito.
Bukod dito, naghain din ng mosyon ang SMNI na humihiling na magbitiw ang tatlong opisyal sa paghawak sa nasabing kaso.
Kabilang sa pinagbibitiw sina NTC Commissioner Ella Blanca Lopez, Deputy Commissioner Jon Paulo Salvahan, at Deputy Commissioner Alvin Bernardo.
Humirit din ng dagdag na 15 araw ang SMNI upang makapaghain ng kanilang tugon kung bakit hindi sila dapat patawan ng kaparusahan dahil sa mga paglabag nito.
“The NTC is objectively studying Respondent Swara Sug/SMNI's afore-mentioned Motions, and shall proceed to consider and resolve the same in adherence to the provisions of NTC's Rules of Procedure, and tenets of fair play and due process,” dagdag pa ng NTC.
Matatandaang sinuspindi ng NTC ang operasyon ng SMNI alinsunod na rin sa natanggap na kopya ng resolusyon ng Kamara kaugnay ng pagpapakalat ng maling impormasyon, paglilipat ng shares sa kabila ng kawalan ng Congressional approval at pagkabigong i-offer ang 30 porsyento ng outstanding stock nito.