Patuloy ang pag-iral ng northeast monsoon o amihan, shear line, at easterlies sa malaking bahagi ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes, Enero 9.

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Bicol Region, Quezon, Aurora, Caraga, Davao Region, Bukidnon, Misamis Oriental, at Camiguin dahil sa shear line at easterlies.

Ayon sa PAGASA, ang shear line ay tumutukoy sa “boundery line” kung saan nagsasalubong ang mainit at malamig na hangin na nagreresulta ng thunderstorms at mga kalat-kalat na pag-ulan. Ang easterlies naman ay ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon umano ng malalakas na pag-ulan.

‘Pinas, posibleng magkaroon ng isang bagyo sa Enero – PAGASA

Samantala, malaki ang tsansang makaranas ng maulap na kalangitan na katamtamang mga pag-ulan sa Cagayan Valley dulot ng hanging amihan.

Inaasahan din daw na magdadala ang amihan ng medyo maulap hanggang maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, at mga natitirang bahagi ng Central Luzon.

Wala namang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Inihayag din ng PAGASA na posibleng makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang mga Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa easterlies at localized thunderstorms.

Posible naman umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa ngayon ay walang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob man o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).

Kaugnay na Balita: