Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kaniyang pagkatuwa sa naging pagbaba ng inflation rate sa Pilipinas nitong Disyembre 2023.

Base sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Biyernes, Enero 5, 2024, bumaba sa 3.9% ang inflation rate sa bansa nitong Disyembre 2023 mula sa 4.1% na datos noong Nobyembre 2023.

Ito raw ang naging pinakamababang inflation rate para sa taong 2023.

Inflation rate, bumaba sa 3.9% nitong Disyembre 2023 – PSA

Kaugnay nito, sinabi ni Marcos sa kaniyang social media post na ipagpapatuloy raw ng pamahalaan ang pagsusumikap nito para pagandahin ang ekonomiya ng bansa.

“Natutuwa akong ibalita na bumaba pa ang inflation rate sa bansa noong Disyembre 2023 sa 3.9% —ang pinakamababa noong nakaraang taon, mula sa 4.1% para sa Nobyembre 2023,” ani Marcos sa kaniyang post.

“Patuloy ang pagsusumikap ng pamahalaan para pagandahin ang kalagayan ng ating ekonomiya.

“Para sa bagong taon, lalo nating palalakasin ang mga programa para sa agrikultura, at tututukan ang mga hakbang upang mapanatiling abot-kaya ang presyo ng pagkain at iba pang pangunahing bilihin,” saad pa niya.

Courtesy: Pangulong Bongbong Marcos/FB