Posibleng makaranas ng mga pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa ngayong Huwebes, Enero 4, dulot ng northeast monsoon o amihan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang makararanas ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan ang Cagayan Valley, Aurora, at Quezon dahil sa amihan.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon umano ng malalakas na ulan.

Maaari rin umanong magdulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila, mga natitirang bahagi ng Luzon, at Western Visayas.

‘Pinas, posibleng magkaroon ng isang bagyo sa Enero – PAGASA

Wala namang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Samantala, ayon sa PAGASA, malaki ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, at dahil sa localized thunderstorms.

Posible naman ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms, ayon sa PAGASA.

Sa ngayon ay walang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob man o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).

Kaugnay na Balita: