Inanunsiyo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Miyerkules na tatlong mananaya ang pinalad na magwagi at maghati sa ₱108 milyong jackpot prize ng Lotto 6/42 na binola nitong Martes ng gabi.

Matagumpay na nahulaan ng tatlong bagong lotto millionaires ang six-digit winning combination ng Lotto 6/42 na 04-22-07-10-29-14 na may katumbas na jackpot prize na ₱108,072,834, kaya’t makapag-uuwi sila ng tig-₱36,024,278.

Taga-Albay na nanalo ng ₱571-M sa lotto, kumubra na ng premyo: ‘Totoo ang lotto’

Ayon sa PCSO, nabili ng mga lucky winners ang kanilang mga lucky tickets sa Pineda St., San Miguel, Bulacan; Yanco St., Tondo, Manila at JP Rizal St., Pila, Laguna.

Samantala, dalawang mananaya pa ang instant milyonaryo rin matapos na mapagwagian ang first prize na ₱4,337,438 ng 6D Lotto ng PCSO.

Nabatid na aabot sa tig-₱2,168,719 ang premyong maiuuwi ng mapapalad na bettors.

Nabili umano nila ang kanilang tiket sa Purok 1, Maramang, Bukidnon at G/F Arayat Mansion, Bernardo St., Kaunlaran, Cubao, QC.

Kaugnay nito, pinayuhan ni PCSO General Manager Melquiades Robles ang mga lotto winners na upang makubra ang kanilang premyo ay magtungo lamang sa kanilang punong tanggapan sa Mandaluyong City.

Kailangan rin umano nilang iprisinta ang kanilang winning tickets at dalawang balidong IDs.

Paalala pa ni Robles, alinsunod sa TRAIN Law, ang lahat ng premyong lampas sa P10,000 ay papatawan ng 20% tax.

Ang lahat naman ng premyong hindi makukubra sa loob ng isang taon mula sa petsa nang pagbola dito, ay awtomatikong mapo-forfeit at mapupunta sa kanilang charity funds.

Muli ring hinikayat ni Robles ang publiko na patuloy na tangkilikin ang mga PCSO games upang magkaroon na ng tiyansang maging susunod na milyonaryo, ay makatulong pa sa kawanggawa.