Naitala ng Department of Health (DOH) ang pinakabatang naging biktima ng paputok ayon sa ulat ng ahensya nitong Lunes ng umaga, Enero 1.
Isang 11-month-old baby sa National Capital Region (NCR) ang sinasabing nasunugan ng mukha at kanang mata dahil sa nasindihang illegal piccolo sa kalye.
"So, 'yung 11 months, parang piccolo 'yung nakadale doon. Sa face, sa eyes. Siguro natapunan 'to o natalsikan," saad ni DOH Secretary Teddy Herbosa sa ginanap na Special Media Forum ng ahensya.
Hindi naman nagbigay ng iba pang detalye ang DOH kung ano na ang lagay ng bata habang isinusulat ang balitang ito.
Ayon pa sa DOH, nadagdagan ng 116 ang naitatalang kaso ng fireworks-related injuries (FWRI) sa bansa.
Kung 11 buwang gulang ang pinakabata, ang pinakamatandang biktima naman ay isang 77-anyos na lalaking mula sa Ilocos region.
Batay sa ulat, napinsala raw ang kanang mata ng matanda dahil sa kwitis na sinindihan niya sa kaniyang bahay.
Sa kasalukuyan, sumampa na sa 231 ang kabuuang bilang ng mga nabibiktima ng paputok sa bansa.
“Ninety five percent (95%) happened at home and in the streets, mostly by males with active involvement,” pahayag ng DOH.
Gayunpaman, mababa pa rin ito kung ikukumpara sa mga kaso ng FWRI na naitala noong 2022 na pumalo sa 307.