Tunay na masagana ang Bagong Taon ng dalawang parokyano ng lotto, matapos na sabay na mapanalunan ang naglalakihang jackpot prizes ng mga lotto games ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Sa abiso ng PCSO, nabatid na isang taga-Albay ang pinalad na makapag-uwi ng tumataginting na ₱571.5 milyong jackpot prize ng UltraLotto 6/58 habang isang taga-South Cotabato naman ang nagwagi ng ₱23.3 milyong jackpot prize ng MegaLotto 6/45, na kapwa binola ng PCSO nitong Biyernes ng gabi.
Nabatid na matagumpay na nahulaan ng lucky winner ang six-digit winning combination na 19 - 35 - 25 - 42 - 58 – 05 kaya’t naiuwi nito ang katumbas na jackpot prize na ₱571,554,916.40.
Nabili umano ng jackpot winner ang kanyang lotto ticket sa isang outlet sa Rizal St., Ligao City, Albay.
Samantala, matagumpay ding nahulaan ng mananaya ang six-digit winning combination na 06 -12 - 28 - 04 - 16 – 17 ng MegaLotto 6/45 kaya’t naiuwi niya ang katumbas nitong premyo na ₱23,333,389.60.
Nabili umano ng jackpot winner ang kanyang lucky ticket sa isang outlet sa Sto. Niño Public Terminal, sa Mercado St., South Cotabato, Mindanao.
Kaugnay nito, pinayuhan ni PCSO General Manager Melquiades Robles ang mga bagong lotto millionaires na upang makubra ang kanilang premyo ay magtungo lamang sa punong tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City.
Kailangan din aniya ng mga ito na iprisinta ang kanilang lucky tickets at dalawang balidong IDs.
Paalala pa ni Robles, ang lahat ng premyong lampas sa ₱10,000 ay papatawan ng 20% buwis, alinsunod sa TRAIN Law.
Ang lahat naman aniya ng premyong hindi makukubra sa loob ng isang taon, mula sa petsa nang pagbola dito, ay awtomatikong mapo-forfeit at mapupunta sa kanilang Charity Fund.
Muli rin niyang hinikayat ang publiko na patuloy na tangkilikin ang mga PCSO games, partikular na ang lotto, upang magkaroon na ng pagkakataong maging susunod na milyonaryo, ay makatulong pa sa kawanggawa.
Ang UltraLotto 6/58 ay binobola tuwing Martes, Biyernes at Linggo habang ang MegaLotto 6/45 naman ay binubola tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes.